Ni Rey Marfil
http://www.abante-tonite.com/issue/oct1507/main.htm

----Eksena ito sa isang rally ng mga militanteng grupo na nagsagawa ng kilos-protesta malapit sa Mendiola kahapon upang igiit sa gobyernong Arroyo na ibasura ang Comprehensive Agrarian Reform Program dahil sa kabiguang makamit ang layunin nitong bigyan ng lupa ang mga mahihirap na magsasaka. (AP)
----------------------------------------------------------------------------
Upang magkaalaman sa umano’y nangyaring suhulan sa pagitan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at mga gobernador, katulad ng pag-amin ni Pampanga Governor Ed Panlilio, ikinasa ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson ang pagpapatawag ng imbestigasyon sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Lacson, hindi maaaring tanggapin ng Upper House ang rason na "regalo" lamang ni Mrs. Arroyo ang tig-P500,000 na ibinigay umano sa mga gobernador lalo pa’t magkasunod ang nangyayaring ‘aregluhan’ sa hanay ng mga kongresistang nagtutulak sa dispalinghadong impeachment complaint.
Sa pamamagitan ng pagpapatawag ng imbestigasyon, naniniwala si Lacson na magkakaalaman kung sinu-sino ang nabiyayaan ng ‘maagang Pamasko’ ng palasyo kasunod ng pulong sa pagitan ni Mrs. Arroyo at mga gobernador sa Malacañang.
Magsisilbing ‘susi’ sa imbestigasyon, ayon kay Lacson ang pag-amin ni Panlilio para malaman ng publiko kung sinu-sinong gobernador o local officials ang naging bisita ni Mrs. Arroyo at nagtungo sa Malacañang nang maganap ang pamumudmod umano ng ‘regalo’.
"I will file a resolution on Monday for the Senate to investigate this matter, in time for the budget hearing. Sinu-sino ang nagpunta sa Malacañang at tig-mamagkano ang tinanggap nila," ani Lacson.
Kaugnay nito, naniniwala si Lacson na konektado sa ‘impeach me’ ni Mrs. Arroyo ang pag-areglo sa bawat gobernador, katulad ng nangyari sa mga kongresista noong nakaraang linggo kung saan ‘inayos’ ng tig-P200,000 ang 190 kaalyado ng Pangulo.
"Obviously in connection with the recent threat to impeach the President," ani Lacson.
Hindi na ikinagulat ni Lacson ang nangyayaring suhulan sa administrasyon ni Mrs. Arroyo kung saan mismong kababayan nitong si Panlilio ang kumanta dahil nagsimula aniya sa ganitong raket ang kanyang gobyerno.
"Before Father Ed’s public testimony, I though that what we had in this country was a big criminal syndicate masquerading as a government," paglalarawan ni Lacson.
Kasabay nito, hinimok ni Lacson ang iba pang gobernador na tularan si Panlilio dahil tungkulin ng bawat public officials ang ipagbigay-alam sa publiko kung saan napupunta ang binabayarang buwis ng mga ito.
Aniya, karapatan ng sambayanang Filipino na makita kung saan nagmula ang pondong ipinamudmod ni Mrs. Arroyo dahil taong bayan aniya ang nagpapasan sa buwis na walang habas namang winawaldas ng kasalukuyang administrasyon.
"Now we see hope as we wish that were more Governor Panlilio-truthful and decent enough to give us, the taxpayers of this country an accounting of the monies distributed by Malacañang," ani Lacson.